“This book proves that call center workers are corporate vampires with a heart. It's an eye-opener for those who know very little about the BPO Industry.”

— M.A Buendia, Vlogger, Call Center Agent, Influencer

𝐀𝐮𝐱 𝟕: 𝐏𝐞𝐫𝐬𝐨𝐧𝐚𝐥
     Isa sa mga interes kong basahin at kolektahing mga aklat o pag-aaral ay mayroong kinalaman sa Panitikang Anakpawis. Ito ang mga akdang pampanitikan na pumapaksa o isinulat mismo ng mga manggagawa’t magsasaka upang isulong ang kanilang interes at itindig ang kanilang mga karapatan. Interesante ang akda ni Al Lumen dahil sa binibigyang tinig nito ang mga call center agents o tinatawag na mga Bayaning Puyat sa lipunang Pilipino sa ngayon. Ibinunga ang akda ng halos sampung taon na pag-iral ng awtor sa industria ng Business Processing Outsourcing (BPO).
Eksakto ang aking engkwentro sa kanyang akda. Sa kasalukuyan, baguhan (newbie) ako sa ganitong industriya at espasyo. Nagmistulang maikling kurso o handbook na ang kanyang mga dagli sa akin. Nakatulong iyon upang makasabay ako sa siklo ng mga proseso ng pagiging call center agent o bayaning puyat. Mas naging madali para sa akin ang maglabas-pasok sa magkakaibang sitwasyon ng mga agents sa iisang espasyong pinanggalingan ng awtor at kasalukuyan kong iniikutan. Lumikha siya ng mga magkakaibang tinig na mayroong mga pinapasang suliranin. Kritikal ang awtor sa sitwasyon ng mga kabaro naming nasa industria at kasalukuyang mga suliranin ng lipunang Pilipino.
Maikli ang mga akda. Magaan basahin. Naunti-unti kong natapos basahin ang kanyang aklat tuwing babyahe pauwi o kundi nama’y tuwing nagsusunog ng oras sa opisina. Umayon ang napiling genre sa paksa at pamamaraan ng awtor. Nakapagbuo ang awtor ng teritoryo sa pamamagitan ng kanyang kumpas at paggamit ng wika. Likas niyang naitugma ang mga bokabularyong ginagamit lamang sa kanyang pinagtatrabahuan at personal na karanasan sa mismong produksyon ng paggawa (production of labor) sa loob ng BPO company. Wala sa mainstream at alternative o self publication ang moda ng produksyong pampanitikan ang tinahak na landas ng aklat ni Al Lumen. Magandang palatandaan na mayroon pang masusustansyang babasahin na maaaring i-access sa kasalukuyan upang maneutralisa kahit pandalian ang kaliwa’t kanang panggagayuma na magkunsumo ng mga produkto sa merkado.
“𝘈𝘯𝘨 𝘮𝘨𝘢 𝘣𝘢𝘨𝘢𝘺 𝘯𝘢 𝘪𝘵𝘰, 𝘨𝘪𝘯𝘵𝘰 𝘢𝘵 𝘱𝘪𝘭𝘢𝘬, 𝘴𝘢 𝘬𝘢𝘯𝘪𝘭𝘢𝘯𝘨 𝘱𝘢𝘨𝘭𝘢𝘣𝘢𝘴 𝘮𝘶𝘭𝘢 𝘴𝘢 𝘣𝘪𝘵𝘶𝘬𝘢 𝘯𝘨 𝘭𝘶𝘱𝘢 𝘢𝘺 𝘮𝘢𝘨𝘬𝘢𝘴𝘢𝘣𝘢𝘺 𝘯𝘢 𝘵𝘶𝘸𝘪𝘳𝘢𝘯𝘨 𝘪𝘯𝘬𝘢𝘳𝘯𝘢𝘴𝘺𝘰𝘯 𝘯𝘨 𝘭𝘢𝘩𝘢𝘵 𝘯𝘨 𝘱𝘢𝘨𝘨𝘢𝘸𝘢 𝘯𝘨 𝘵𝘢𝘰. 𝘋𝘪𝘵𝘰 𝘯𝘢𝘯𝘨𝘨𝘢𝘨𝘢𝘭𝘪𝘯𝘨 𝘢𝘯𝘨 𝘩𝘪𝘸𝘢𝘨𝘢 𝘯𝘨 𝘴𝘢𝘭𝘢𝘱𝘪. 𝘎𝘢𝘯𝘢𝘱 𝘯𝘢 𝘢𝘵𝘰𝘮𝘪𝘴𝘵𝘪𝘬𝘰 𝘢𝘯𝘨 𝘱𝘢𝘨𝘬𝘪𝘭𝘰𝘴 𝘯𝘨 𝘮𝘨𝘢 𝘵𝘢𝘰 𝘴𝘢 𝘬𝘢𝘯𝘪𝘭𝘢𝘯𝘨 𝘱𝘢𝘯𝘭𝘪𝘱𝘶𝘯𝘢𝘯𝘨 𝘱𝘳𝘰𝘴𝘦𝘴𝘰 𝘯𝘨 𝘱𝘳𝘰𝘥𝘶𝘬𝘴𝘺𝘰𝘯, 𝘥𝘶𝘭𝘰𝘵 𝘯𝘪𝘵𝘰'𝘺 𝘸𝘢𝘭𝘢 𝘴𝘢 𝘬𝘢𝘯𝘪𝘭𝘢𝘯𝘨 𝘬𝘰𝘯𝘵𝘳𝘰𝘭 𝘢𝘵 𝘴𝘢 𝘬𝘢𝘯𝘪𝘭𝘢𝘯𝘨 𝘮𝘢𝘭𝘢𝘺 𝘯𝘢 𝘪𝘯𝘥𝘪𝘣𝘪𝘥𝘸𝘢𝘭 𝘯𝘢 𝘱𝘢𝘨𝘬𝘪𝘭𝘰𝘴 𝘢𝘯𝘨 𝘰𝘣𝘩𝘦𝘵𝘪𝘣𝘰𝘯𝘨 𝘩𝘶𝘨𝘪𝘴 𝘯𝘨 𝘬𝘢𝘯𝘪𝘭𝘢𝘯𝘨 𝘴𝘢𝘳𝘪𝘭𝘪𝘯𝘨 𝘮𝘨𝘢 𝘶𝘨𝘯𝘢𝘺𝘢𝘯𝘨 𝘱𝘢𝘮𝘱𝘳𝘰𝘥𝘶𝘬𝘴𝘺𝘰𝘯. 𝘓𝘶𝘮𝘪𝘭𝘪𝘵𝘢𝘸 𝘪𝘵𝘰 𝘴𝘢 𝘴𝘪𝘮𝘶𝘭𝘢, 𝘴𝘢 𝘱𝘢𝘯𝘨𝘺𝘢𝘺𝘢𝘳𝘪𝘯𝘨 𝘯𝘢𝘨𝘬𝘢𝘬𝘢𝘳𝘰𝘰𝘯 𝘢𝘯𝘨 𝘱𝘳𝘰𝘥𝘶𝘬𝘵𝘰 𝘯𝘨 𝘬𝘢𝘯𝘪𝘭𝘢𝘯𝘨 𝘱𝘢𝘨𝘨𝘢𝘸𝘢 𝘯𝘨 𝘢𝘯𝘺𝘰𝘯𝘨 𝘬𝘢𝘭𝘢𝘬𝘢𝘭 𝘴𝘢 𝘱𝘢𝘯𝘨𝘬𝘢𝘭𝘢𝘩𝘢𝘵𝘢𝘯. 𝘈𝘯𝘨 𝘮𝘪𝘴𝘵𝘦𝘳𝘺𝘰 𝘯𝘨 𝘧𝘦𝘵𝘪𝘴𝘩𝘪𝘴𝘮𝘰 𝘯𝘨 𝘴𝘢𝘭𝘢𝘱𝘪 𝘢𝘯𝘨 𝘭𝘢𝘯𝘵𝘢𝘥 𝘴𝘢 𝘱𝘢𝘯𝘪𝘯𝘨𝘪𝘯, 𝘢𝘯𝘨 𝘯𝘢𝘬𝘢𝘴𝘪𝘴𝘪𝘭𝘢𝘸 𝘯𝘢 𝘮𝘪𝘴𝘵𝘦𝘳𝘺𝘰 𝘯𝘨 𝘧𝘦𝘵𝘪𝘴𝘩𝘪𝘴𝘮𝘰 𝘯𝘨 𝘬𝘢𝘭𝘢𝘬𝘢𝘭.” Karl Marx (Salin ni Ramon Guillermo)
Natatangi lamang sa mga awtor na kagaya ni Al Lumen ang ganitong istilo at kalibre na hindi hinulma ng akademya bagkus ay hinubog ng kanyang paglubog sa paggawa at/o nilunod na sangkaterbang pagsagot sa mga tawag (calls) buhat sa abroad tuwing gabi dito sa Pilipinas. Sumusulpot ang mga organikong intelektwal kapag sila’y nagising sa pagkabangungot at tumindig upang angkinin ang posibilidad ng mas humabi ng hinaharap para sa mga kauri nilang nagawa nang maikalakal mula sa sariling lakas paggawa hanggang sa kanilang mga guni-guni't panaginip.
Mabuhay ang Uring Manggagawa sa Buong Daigdig!
Mabuhay ang mga Bayaning Puyat!
— Ricky C. Ornopia