Ako at ang Panahon Atbpng Hindi Ma-chika sa Personal

“Sa aklat na ito, dahil sa tapat at taos na panulat ni Aljo, ang mga ordinaryong karanasan ay nagiging extraordinaryo—tumatatak sa utak, tumatagos sa puso.”

- Jerry B. Grácio, 2015 SEAWrite Awardee, Bagay Tayo

LIBRO

"Marami sa recto nito."

     Ito ang palagi kong naririnig kay Papa tuwing inaabot ang listahan ng mga librong gagamitin ko sa eskwela. Palagi kasing kulang ng apat o lima ang nakukuha kong libro sa Salawag Elementary. Minsan Sibika at Kultura, Filipino at English pero madalas Science. Kung hindi kulang ang pahina may drawing ng titi, kulay ng crayola o punit sa may pamagat ng libro. Kung sinuswerte ay kumpleto ang pahina, naka-plastic cover at may kasamang sagot. Sabi ni Mama hindi raw ako matututo kaya binubura niya ng eraser ang mga sagot. Kung ballpen, gagamitan niya ng liquid eraser yung Touch and Go. Tuwing unang linggo ng klase dumarating ang mga libro. Balot sa alikabok at madilaw na ang papel. Tatawagin ang aming apelyido at papipilahin. Isa-isang ibibigay ang mga libro. Bawal mamili ng kondisyon ng libro at bawal rin mamili ng subject. Para kaming nakikipag blind date. Surprise kung anong libro sa ‘min mapupunta. Ang iba pa nga sa ibang baitang ang nakukuha. Pagkatapos mabigyan ng isa ay iikot muli kami sa dulo ng pila hanggang maubos ang mga libro. May mga sumisingit. May ibang hindi na pumipila. Sa dami namin ay hindi na ‘to nakikita. 
     Sa gilid may mga naglalaro ng tatsing at holen. Sa kabila naman ay pustahan ng gagamba. Ako, nakangiti na parang binigyan ng tsokolate. Isa-isang binubuklat ang mga pahina. Sinisilip ang naiwang bakas ng mga estudyanteng sa ‘kin ay nauna. May guhit ng buntot ang puwet ng bata. May tatlong mata ang ale. May matutulis na ngipin ang aso. May sungay si Rizal. May bigote si Marcos at may nunal naman sa pisngi si Ninoy. Kapansin-pansin rin kung pa’no binura ng laway at daliri ang mga nakasulat sa papel. Bakas ng kiskis ng daliri. Sa uwian ay hihingin ko kay titser ang ibang kulang. Isusulat niya ‘to sa papel. 
     Sabihin mo sa magulang mo sa Recto marami n’yan