"Nakita Kong Barilin si Rizal"

Subok na salin ng "I Saw Rizal Die" ni Alberto Mendoza, Sunday Times Magazine, December 29, 1949, page 10-11. Isang panayam kay Hilarion Martinez na noon ay 72 taong gulang. Siya ay saksi sa pagbitay kay Rizal. Ibinahagi niya ang kanyang obserbasyon noong 1949, o 53 taon matapos ang pangyayari. Inilahad niya sa isang mamamahayag na si Alberto Mendoza ng Sunday Times Magazine ang kanyang nasaksihan noon.

Pati maliit na aso ay naiyak sa kalungkutan. Bigla na lang sumulpot sa kung saan at nagpaikot-ikot sa walang buhay na katawan. Panay tahol at hikbi nito. Sabi ng ilang kasama ay masama itong pangitain. May kamalasan daw na darating. Ito ang tsismisan sa loob ng aming quarters.
Bago pa man nito ay nasabihan na kami sa mangyayari. Bahagi kami ng Leales Voluntarios de Manila, isang semi-military organization sa ilalim ni Kapitan Manuel Leaño. Ang aming direct officer ay ang batang tenyente na si Juan Pereira, isang espanyol.
Gumising kami noon ng alas sais ng umaga, a-trenta ng Disyembre, sa aming mga quarters, sa kanto ng Sta. Potenciana at Magallanes, Intramuros, para dumalo sa gaganaping pagbitay. Bente anyos lang ako noon, at miyembro ng drum corps.
Sa ilalim ng makulimlim na langit at nangangalit na lamig ng umaga ay nag-martsa kami palabas ng Intramuros sa daanan ng Puerta Real o kung nasaan ang kalye Nozaleda (na ngayo’y General Luna) bandang kanlurang bahaging pader ng Intramuros. Ang parada ay nagpatuloy sa kalye na ngayon ay tinatawag na Padre Burgos. Suot namin aming unipormeng cañamo at cajas vivas na nakatali sa aming mga bewang.
Naaabot pa noon ng tubig ng Manila Bay ang kabilang bahagi ng Malecon Drive (na ngayon ay Bonifacio Drive) kung s'an matatagpuan ang bagong Luneta. Ang Bagumbayan noon ay hindi ang Luneta ngayon. Ang Luneta namin noon ay makikita sa likuran ng himpilan ng pulisya ng Bagumbayan, malapit kung sa'n natubo ang mga malalagong kawayan.
Sa pagliko namin sa kanto ng mga kalyeng P. Burgos at General Luna, ay unti-unti naming natatanaw ang cuadro, pormasyon ito ng humigit-kumulang sampung pulutong ng mga sundalong Pilipino at Espanyol. Ang mga Pilipino ay nasa loob na bahagi ng cuadro habang ang mga Espanyol naman ay nasa likuran. Sadyang idinisenyo para ipakita ng makapanyarihang Espanya na si Rizal ay mamamatay sa kamay ng mga kababayan. Ang mga sundalong Espanyol naman ay handang barilin ang mga pasaway na Pilipino na tatalima sa utos na pusilin si Rizal.
May mga sibilyang tagapanood din, bukas ang bahagi ng cuadrong malapit sa baybayin.
Habang papalapit kami sa quadrangle ay pansin namin ang mga opisyal na Espanyol na seryosong nag-uusap sa mahinang boses. Wala pa raw si Rizal - o hindi pa nila nakikita. Interesado akong malaman ang hitsura niya sa dahilang hindi ko pa siya nakikita. Sabi ni Nanay, naalala ko pa noon, marunong daw si Rizal. May palagi raw itong dalang sariling kutsara't tinidor na pantukoy kung may lason ang kanyang pagkain. Bukod pa sa maalamat na mga kuwentong nakapalibot sa kanya ay narinig ko rin ang kanyang pakikibaka para sa ating mga adhikain.
Ilang saglit lang habang papalapit ang seremonya ng pagbitay ay madidinig ang parating na mga cajas vivas na nakabalot ng itim na tela kung saan nakatago ang bibitayin. Nagkaroon nang kaonting kaguluhan sa may kanang bahagi ng cuadro malapit sa baybayin nang pumasok ang ilang sundalong mga naka-bayoneta. Kasunod ng mga sundalo ay isang lalaking nakasuot ng itim, ang kanyang mga bisig ay nakatali sa likuran ng kanyang mga siko, nakasuot siya ng sumbrerong derby o chistera, at pinagigitnaan siya ng isang opisyal na Espanyol at isang paring Heswita.
Nang makita ko ang lalaki ay alam ko na agad na siya si Rizal.
Ang grupo ng mga opisyal na Espanyol na nakapuwesto malapit sa kaganapan ay nagsimulang bumuo ng kalahating bilog o media luna. Isang Espanyol naman ang mahigpit na nakipagkamay kay Rizal (na makikilala namin kalaunan na si Lt. Luis Andrade, ang pamosong tagapagtanggol at tagasuporta ni Rizal). Nang malapit na si Rizal sa gitna ng quadrangle ay inihayag ng mayor de la plaza, isang koronel, sa bandillo: “En el nombre del Rey, el que se levante la voz a favor del reo sera ejecutado.” (Sa pangalan ng Hari, ang sinumang magtaas ng boses ng pagtutol sa pagbitay ay siya ring bibitayin.)
Malalim na katahimikan ang bumalot sa buong paligid.
Halos pitong hakbang lang ang layo ng aming drum corps sa likod ni Rizal na nakaharap sa baybayin. Lumapit sa amin ang aming kumandante at iniutos na kung susubukan ni Rizal na magsalita ay kailangan naming patunugin nang malakas ang aming mga tambol, upang sapawan ang boses niya. Tinitigan ko siya. Karaniwan lamang ang kanyang pangangatawan, hindi naka-ahit, at medyo maputla, baka dahil sa kanyang pagkakakulong, anu pa man ay banaad na makikita ang kalma at kanyang katahimikan. Lumapit sa kanya ang isang Heswita para ipagdasal at basbasan siya. Pagkatapos, lumapit din sa kanya ang isang koronel. Inutusan naman kami ng aming kumandante na umatras ng dalawang hakbang para pumalit sa aming puwesto ang firing squad na binubuo ng anim na Pilipino. Itinaas niyang bahagya ang kanyang nakataling kanang kamay para ayusin ang suot niyang chistera o derby hat. Biglang bumilis ang pintig ng aking puso, dahil gaya ng sa ibang mga pagbitay na aking nakita ay dama ko ang tensyon at kaba. Si Rizal, itinaas at ibinaba ang kanyang ulo, ang kanyang labi ay parang nasambit ng dasal sa gitna ng katahimikan.
Tapos, isinenyas ng kumandante gamit ang kanyang sabre sa firing squad na itutok na ang kanilang mga baril. Sa pagbagsak ng sabre ay sabay-sabay na pumutok ang mga riple na bumasag sa panatag na umaga. Humarap si Jose Rizal sa huling pagkakataon bago bumagsak nang may kalabog. Tumilapon palayo ang kanyang sumbrero at kanyang mukha ay nakaharap sa kalangitan. Nakahandusay siyang nakaturo ang katawan sa pampang.
Marami sa mga reo o yung mga nahatulang kriminal ay pinaluluhod habang nakapiring bago barilin sa ulo. Pero si Rizal hindi, hindi niya naranasan ang ganung klaseng kahihiyan.
Sunod, ay lumapit ang capitan militar de la sanidad, at lumuhod sa harap ng bulagtang katawan, at sinuri ang pulso nito. Pagkatingala ay dagling tinawag ang isang miyembro ng firing squad para lumapit at magbigay ng huling tiro de gracia, isang malapitang putok ang ginawa. Parang naaninag kong may bahagyang singaw na tumakas mula sa kanyang amerikana, o baka hibla lamang yun ng hamog ng umaga. Nang makita ko ang kanyang walang buhay na katawan sa 'king harapan ay panghihina ang aking naramdaman.
Muling kumilos ang mga opisyal. Ipinuwesto ang kanilang hanay at nagmartsa sa saliw ng Pasa Doble Marcha de Cadiz, ang pambansang awit ng Espanya.
At gaya ng aming nakagawian, pipila kami para sulyapan sa huling pagkakataon ang katawan. Nang utusan kaming "tingin sa kaliwa," ay hindi ko inalis ang pagkatitig sa katawan, tulad ng ginagawa ko noon sa mga reo na sabog ang mga ulo. Dahil sa huling pagkakataon ay nais kong makita ang mukha niya. Nakahiga si Rizal sa mamasa-masang damuhan. Nagsisimula na ang araw, at bigla kong napagtantong pinagmamasdan ko ang nawong ng isang dakilang Malay; saksi ako sa nangyayaring kasaysayan.



Next
Next

Ang Prinsipeng Bulinggit