Katangi-tanging boses sa kontemporanyong panitikang Filipino ang taglay ng mananaysay at kuwentistang si Al. Mayroong isang sanaysay sa aklat na ukol sa pagkuha ng pagsusulit na magsesertipika sa kaniyang kakayahang makaintindi at makapagsalita ng Deutsch upang payagan magtrabaho sa Alemanya. May engkuwentro, tagisan, at negosasyon ng iba’t ibang mga wikang ginagawaran ng magkakaibang antas ng pagpapahalaga sa globalisadong daigdig: Tagalog Cavite, Binisaya, Ingles (na siyang global na lingua franca), at Aleman na sinasalita ng Aleman mismo o ng mga migranteng katulad ni Al. Ang lahat ay pinangingibabawan ng malawakang penomenon ng pagdaloy ng lakas-paggawa mula Global South papunta sa mayayamang bansang Europeo, sa Canada, at Estados Unidos.

Vincent Christopher Santiago

Instruktor, UP Departamento ng Linggwistiks

     Ngayon taon ang ika-isangdaan at limampung taon ng pagkakalimbag ng aklat ni Fedor Jagor na Reisen in den Philippinen sa Berlin noong 1873. Naglalaman ito ng mga datos ukol sa kanyang obserbasyon at pagsusuri ukol sa kalagayan ng Pilipinas sang-ayon sa lente ng isang Aleman noong ikalabing-siyam na siglo.
     Nagkataon namang ngayong taon din ilalabas ang Ausländer: mga danas sa Alemanya ni Lumen. Pangatlo na ang aklat na ito sa kanyang mga nailimbag na aklat sa wikang Filipino sa Pilipinas. Naglalaman ang Ausländer ng iba’t ibang emosyon, pagmumuni-muni, paggunita’t paglimot, mga pagkalupig at tagumpay mula sa bansang Pilipinas hanggang sa bansang Alemanya. Ipinapakilala ni Lumen ang kanyang sarili bilang isang bana, anak, manugang, ama, manggagawang Filipino at migranteng kritikal sa mga usaping panlipunan.
     Inililibot tayo ni Lumen sa bansang Alemanya kaalinsabay ng paglalim niya sa pag-unawa sa kasaysayan ng kanyang sarili at bansang pinagmulan. Ganito rin ang pagtatangka ng I Saw The Rise and Fall of the Berlin Wall ni Hermogenes E. Bacareza na nailimbag noong 2003. Ngunit kaiba sa aklat ni Bacareza na sa introduksiyon at kongklusyon lamang gumamit ng unang panauhan sa kanyang obra samantalang unang panauhan naman ang ginamit ni Lumen sa lahat ng kanyang mga sanaysay. Mas matatamasa ng mambabasa ang mga nginunguyang mga impormason at karanasan na mayroong kinalaman sa kanyang buhay at ugnayan ng Pilipinas at bansang Alemanya.
     Mapapansin ang paggamit niya ng wikang Aleman sa pamagat: Ausländer. Dayuhan, taga-labas o taong-labas, at hindi lokal o hindi tubo sa isang tiyak na lugar o espasyo ang mga maaring salin ng katagang ito sa wikang Filipino. Mahihiwatigan agad kung paano inilulugar ng awtor ang kanyang sarili sa kung saang espasyo siya sa kasalukuyan. Isa rin itong hudyat kung saan nakalugar na konteksto ang nilalaman ng aklat.
     Malaking adbentahe na gamay ng awtor ang kanyang sariling wika upang paganahin ang mga pandama ng magbabasa. Di maiwasang maipares ang aklat ni Lumen sa librong Kwentong Tambay: mga kwento ng isang Overseas Filipino Worker ni Nicanor David Jr. na nalimbag noong 2006 dahil naglalaman din ito ng mga salaysay at kuwento ng isang Pilipinong nangibang bansa upang ikalakal ang kanyang lakas-paggawa sa mas mataas na sahod, tumatanaw na tatamasa ng kaginhawaan at mas mainam na serbisyong panlipunan.
     Magkawangis ang kanilang himig at diksiyon sa kanilang mga aklat. Parehas din silang nangailangang mamuhunan at gamayin ang wikang dayuhan upang bumukas ang iba pang mga oportunidad at makasabay sa paglako ng kanilang sariling lakas-paggawa sa pandaigdigang merkado. Palipat-lipat ng mga pinapasukang trabaho at palaging tumataya sa mas magandang posibilidad.
     Ang Ausländer: mga danas sa Alemanya ay isang testamento ng Kosmopolitanisasyon ng isang awtor migrante-manggagawang Filipino na nasa bansa kung saan naimbento ang de-makinang imprentahan at kung saan naisulat ang aklat na Das Kapital.
                  Los geht’s!
 Ricky C. Ornopia